sinisilo natin ang mga tala at iginuguhit ang ating mga pangarap
Sa aking pag-iisa, nang hindi ako makatulog noong isang malamig na Sabado ng gabi, naisip kita:
Jek
Waring naaalala mo lamang ang lahat nang minsang nabanggit mong sabay tayong naglalakad pauwi galing sa paaralan noong nasa ikalawang baitang tayo. Ngunit hindi mo naman pala alam na noong kamag-aral kita noon, napahiya ako nang sabay tayong aawit ng Lupang Hinirang, at nagsimula ka sa “Land of the morning.” Hanggang sa matapos natin ang mataas na paaralan, tumatak na sa akin ang iyong kadaldalan.
Lumalabas na pinakamalaki kong kasalanan sa iyo ang pilitin kang kumuha ng UPCAT, na tinawag mo lamang namang puno’t dulo ng lahat ng kasalukuyan mong paghihirap. Hindi maabot ng pang-unawa kung paano mo nasabi ito; dahil sa yabang mong iyan, may hindi ka ga naman kakayanin? Kung sa bagay, kahit naiinggit ako dahil nakakatugtog ka sa piano nang walang piyesa, hindi mo naman minsan mabasa ang sarili mong sulat-kamay.
Sa dami na ng ating napagpulungan, hindi pa rin nauubos ang aking tanong: Paano mo gagawin ang sinabi mong “mamamalakaya ako upang makabihag ng tulog para ipasalubong?” Hindi ka ga nainis noong isang gabi, na habang nagbabasa ka ng hindi kagandahang libro ay pinulong kita at umabot tayo sa pagsilip ng araw?
Jam
Nagpapanggap kang kaklase namin noong mababang paaralan; ang totoo, noong unang taon sa mataas na paaralan lamang kita nakilala. Naging “computer lizard” ka o tagadisenyo ng pahina ng pahayagang pang-mag-aaral na sinalihan ko rin. Ilang karibok ng tuktok din ang nilabanan natin at napagwagian.
Noon, nararamdaman kong nababanas ka na sa mga usapan sa bahay, dahil mas gamay mo ang mga piattos (chemical bonds). Napakamadasalin din ng iyong pamilya, kaya nagulat ka siguro nang maging tampulan ng biro ang parating/nagdaan mong ika-21 kaarawan, na tatlo lamang naman ang Mahal na Poon sa bahay ninyo, galing pa sa magkakaibang parokya. Nakakatuwa, nakakalungkot, na marami nang nagbago sa iyo, na pawang hindi ko maisasaysay dahil baka makarating sa mga hindi dapat makaalam, sa pagdaan sa mga kakilala ng kakilala.
Kung hindi ka bagong gising, kausapin mo na kaya ako? Naisip mo na ga ang ultimate ganda story mo na tatalo sa lahat ng iba pa? Kung matuto na akong magplantsa ng puting uniporme, makakapag-asawa na ako? Kapag tinanong ka ng nanay mo kung bakit pink ang iyong bag, ano kaya ang sasabihin mo? Keribels?
Joy
Hanggang magkasama na tayo mula noong isang taon, nababahala akong hindi mo masakyan ang pagkabata ko, namin, dahil mas matanda ka… ng isang taon. Ngunit sa ngayon, sabi nga, itinatanong pa ga iyon? Umuwi ka nga minsan nang may dalang laruang kotse na may remote control.
Nagkakahalubilo lamang tayo noong nasa sekundarya pa ako kapag may mga pulong ang mga katekista, o ang science o English club. (Hanggang ngayon pala, hindi ko pa alam ang reaksyon mo nang biglang sumingit ang partido namin sa inyong kampanya para sa konseho ng mag-aaral.) Tapos hindi man tayo nag-usap, naging magkamag-aaral tayo sa SocSci 2, at doon ko muling nakita ang walang-kupas at mala-font mong sulat-kamay. Pagkakalabas mo ngayon sa trabahong “nakakainip,” lilipad ka para tumulong sa isang samahang nagtataguyod sa karapatan ng mga kababaihan.
Nitong huling mga araw, hindi na kita gaanong nakakasamang kumain sa kung saan-saan. Kaya naman naiipon ang mga ito: Sino ang mas mahal mo, ang mga nagpapatulog o hindi nagpapatulog sa iyo? Saan mo nakita ang four seasons na juice? Bakit ka matuwain sa mga bata?
Tayo
Iba ang ikot ng araw sa ilalim ng ating bubungan dahil nagagawa nating pagulungin ang panahon ayon sa ating kapasyahan. Hindi natin miminsan nasabing natatangi ang ating bahay-bahayan.
Sa ating mga paliwanagan, nagiging pisara ang mga dingding. Inaagaw natin ang bawat eksena sa mga teleserye, sa pagbaybay natin sa kanilang kapintasan. Malaya nating napag-uusapan anumang bagay sa kalawakan, mula sa mga bata at nagbabata-bataan nating mga kapatid, hanggang sa mga prinsipyong pinipilit nating panindigan.
At sa gitna ng ating mga hagalpakan at pulong na walang kasaysayan, sinisilo natin ang mga tala at iginuguhit ang ating mga pangarap.
Ayaw kong isipin kung kailan ninyo ako iiwan, o kung mangyayaring iiwan ko kayo. Sa isang bagay lamang ako nakatitiyak sa ngayon: sabi ko nga sa iyo, Jek, hindi lamang ikaw ang mababa ang mga luha.
-lala






